.::.

Sunday, May 4, 2008

AIZA SEGUERRA to Record an Album in Singapore

Bago matapos ang taong ito ay baka ma-base sa Singapore si Aiza Seguerra dahil may nag-alok nga sa kanya na maging isang recording artist doon.

Ayaw pa ngang masyadong pag-usapan ni Aiza ang tungkol sa balitang ito dahil kasalukuyang inaayos pa lang ang lahat, kasama na roon ang materyales ng magiging first album niya na ire-release sa Asian market. Pero di pa rin nya napigilang magbigay ng konting impormasyon tungkol dito, "Hindi lang naman ako ang naiprisinta sa recording company sa Singapore. Marami rin kami na sinubukang pakinggan. Pinadalhan sila ng mga CDs namin at hinintay yung magiging sagot nila kung sino ang pumasa sa panlasa nila."

Nagulat nga raw si Aiza nang sabihin sa kanya na siya ang napili ng naturang recording company sa Singapore. Pinaghahanda na raw siya agad para sa recording ng album niya roon na may 13 songs ang laman.

"Mostly mga cover versions ang laman ng album. Nagustuhan daw nila ang boses ko at madali raw nila akong maima-market. Yun naman ang habol ko. Yung maka-penetrate sa Asian market ang album ko. So, nakakatuwa dahil matutupad na rin ang isa sa mga pangarap ko."

Nilinaw ni Aiza na wala siyang balak na tumira sa Singapore in case na ipatawag na siya roon. Mas gusto pa rin daw niya rito sa Pilipinas dahil nandito ang lahat ng mahal niya sa buhay. Kung mag-i-stay siya sa Singapore, baka ang pinakamatagal daw ay isang buwan lang.

"Doon siguro ang magiging work base ko, pero hindi ako titira roon," diin ni Aiza. "Nami-miss ko ang mga kaibigan ko rito lalo na ang pamilya ko. Ayokong malayo sa kanila. Kaya dito pa rin ako titira."

Walang regular na TV show ngayon si Aiza dahil mas gusto raw nito ang mga live gigs at ang paglabas sa teatro. Ayaw na raw niya yung maghintay sa set nang matagal.

"Time out muna ako sa mga TV shows. Maraming nasasayang na oras kapag matagal ang hintayan sa set. Mas gusto ko na itong mga live shows kasi after kang isalang, tapos na at uwian na. Kapag may regular show ka kasi, wala kang choice kundi maghintay hanggang madaling-araw.

"Sayang ang mga oras na dumadaan sa paghintay, ‘di ba? Marami ka pang puwedeng gawin na productive kesa sa naghihintay ka ng take sa iyo. Kaya pass muna ako sa mga TV shows."

No comments:

Post a Comment

Trendy Fashion Show | Privacy Policy Copyright @ 2011 - Theme by ASRock