.::.

Saturday, March 20, 2010

Anthony Taberna Grills the Vice Presidentiables on "Umagang Kay Ganda"

Kikilalanin ni Anthony Taberna ang totoong pagkatao ng mga vice presidential candidates ng bansa at palalabasin ang kanilang tunay na kulay sa kanyang "Punto por Punto" segment sa "Umagang Kay Ganda" ng ABS-CBN.

Gaya ng ginawa sa mga presidentiables, isa-isang kakapanayamin ni Anthony ang mga VP candidates. Kilala bilang mahusay at mapangahas na mamamahayag.

Ihahain ng batikang broadcast journalist sa mga vice presidential candidates ang simple ngunit personal na mga katanungan na magpapakita sa kanilang katauhan sa naiibang paraan— malayo sa personalidad na kilala ng lahat.

Enero pa lang, inisa-isa na ni Anthony ang mga presidential candidates.

Isa sa hindi malilimutang tanong ni Anthony kay Sen. Noynoy Aquino ay kung nakaligo na siya sa dagat ng basura na agarang sinagot ng senador ng, "Hindi pa ho yata."

Hindi rin nakatakas si Sec. Gilbert Teodoro na matapos sabihin na size 12 ang kanyang paa, ay sinundan agad ni Anthony ng katanungang kung naniniwala siya na kapag mahaba ang size ng paa ng tao ay mahaba din ang pasensya nito. Nakangiting sinagot ito ni Gibo ng, "‘Mahaba ho talaga ang pasensya natin. Pasensyoso po."

Halos hindi naman magkamayaw sa gulat ang audience ng biglaang tanungin ni Anthony si Sen. Richard Gordon kung nagpa-botox na ito. "Never pa akong nagpa-botox," ani Gordon. "I am what I am. What you see is what you get."

Buhok naman ang pinuntirya ni Anthony kay Sen. Manny Villar kaya kanyang binusisi kung bakit tila hindi ito nagugusot o gumagalaw. "May suklay ako lagi sa likod at syempre may kasama ako na tumitingin kung maayos pa ito. Nakakahiya kasi sa tao kapag magulo ang buhok mo," sagot naman ni Villar.

Tanging sa "Punto Por Punto" din lamang nabunyag sa buong sambayanan na si Noynoy ay natutulog ng naka-shorts, si Villar ng naka-pajama, at ang dating pangulong Joseph Estrada ay natutulog ng tanging brief lamang ang suot.

Hindi lang magaling si Anthony tumalakay sa mga mabibigat na isyu, kung hindi pati na rin sa pag-usisa sa personalidad na kanyang kaharap. Kaya naman patok sa mga viewer ang espesyal na serye sa presidential candidates na inihain ng "Punto por Punto" sa "Umagang Kay Ganda."

Bahagi ito ng kampanya ng ABS-CBN News and Current Affairs na "Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula" na naglalayong humimok ng mga Pilipino na maging aktibo at bumoto ng tama sa darating na halalan.

Simula ng ilunsad ito ay nakapagsagawa na ang ABS-CBN ng samu’t saring debate at forum kaugnay sa halalan, music video taglay ang theme song na may mensahe ng pagbabago, at kamakailan isang sold-out concert na dinaluhan ng patuloy pang dumadaming bilang ng mga boto patrollers. Sa kasalukuyan mahigit 60,000 na ang nakilahok at nakiisa sa naturang kampanya.

Ngayon pa lang, dapat nang abangan ang mga katanungang ipupukol ni Anthony sa mga vice-presidential candidates. Tanungin niya kaya si Sen. Mar Roxas sa naging honeymoon nila ni Korina Sanchez? Ano nga ba ang mas gustong kulay ni Bayani Fernando— blue of pink? At paano kaya manligaw si Edu Manzano?

Alamin na ang kasagutan sa "Punto Por Punto" segment ni Anthony Taberna sa "Umagang Kay Ganda" ng ABS-CBN. Para sa karagdagang impormasyon sa “Boto Mo, iPatrol Mo” maglog-on lamang sa www.abs-cbnnews.com/boto mo o kaya sundan sa Twitter ang www.twitter.com/ABSCBN_Halalan.

No comments:

Post a Comment

Trendy Fashion Show | Privacy Policy Copyright @ 2011 - Theme by ASRock